Si David Remo ng Binoy Henyo, Magiging Dr. Henyo Ba?

Ang lahat ng bata may angking talento, paano pa kaya ang batang henyo? Ito ang tanong na magiging sentro sa tema ng bagong palabas ng Kapuso network. Iikot ang kwento ng “Binoy Henyo” sa bibong bulilit na nabiyayaan ng katalinuhan at malikhaing abilidad. Magiging masalimuot ang buhay ni Binoy dahil mahihiwalay sila ng kanyang ina sa piling ng kanyang ama. Mapipilitan ang mag-ina na magtulungan sa mga pagsubok na haharapin nila nang magkasama.

Si David Remo ang napiling bida sa pampamilyang teleserye. Anim na taong gulang pa lamang si David ngunit siya ay naitampok na sa iba’t-ibang TV commercials. Nang makapanayam namin ang chikiting sa press conference ng bago niyang programa, kapansin-pansin na puno ng enerhiya ang bulilit. “Enjoy po ako na maging isang artista kasi po nakakapag-ipon ako ng pera,” ang matalinong pambungad sa amin ng child actor. “Bibili po ako ng kotse na may bed,” ang dagdag pa niya.

Tulad ng ibang kabataan, isang estudyante din si David. Hindi pa daw niya sinasabi sa kanyang mga kaklase na artista na siya. “Isusurprise ko na lang po sila,” ang paliwanag ni David. Nang tanungin namin kung ano ang kanyang magiging reaksyon kapag nakatanggap na siya ng mga papuri mula sa kanyang mga classmates ay ngumiti lang ang munting bida. “Sasabihin ko na lang po na thank you,” wika niya.

Masaya man si David sa kanyang bagong adventure bilang child star, marami din siyang ibang gustong marating. “Gusto ko po na maging hero, body guard at doktor!” ang masaya niyang pagsagot. “Pero gusto ko po talaga na maging doktor para po yung mga may sakit matutulungan ko na mas humaba pa ang buhay.”

Lubos naman ang pagsuporta ng pamilya ni David sa kanyang tinatahak na landas. Sa katunayan nga ay lagi siyang sinasamahan ng kanyang ama at lola sa kanyang mga taping. “Lola ko po ang nagtuturo sa akin,” ang pagkwento ni David na may kasabay pang pagturo sa kanyang lola. “Tinuturuan niya po ako sa script para ma-memorize ko.”

Maliban sa pagmememorya ng kanyang mga linya, mahilig din maglaro si David ng computer games kapag wala siyang taping. “Favorite ko po yung Minecraft kasi po nakakagawa ng bahay. Naglalaro rin po ako ng Candy Crush, nasa level 100,000!” ang banggit ni David. Hindi naman daw nakaka abala sa kanyang trabaho bilang aktor ang paglalaro niya ng computer games. “Kapag play time po, pwede magplay. Kapag trabaho na po, magtatrabaho rin po ako.” Sakto ang sagot ng bagets!

Panoorin si David Remo sa Binoy Henyo kasama ng iba pang cast members na sila Sheena Halili, Luis Alandy, Gwen Zamora, Nova Villa, Rich Asuncion, Ervic Vijandre, Frencheska Farr, Lucho Ayala, Gene Padilla, Tata Mara, Angel Satsumi at Zyrel Jestre. Sundan ang Kapuso stars at ang kwento ni Binoy sa official fan page ng show sa https://www.facebook.com/BinoyHenyo at sa Twitter sa https://twitter.com/BinoyHenyo. Magsisimula na ang programa ngayong July 22 bago mag 24 Oras. - Christine Cariaga, GMA Social Media Specialist