
Lumabas na ang resulta ng polymerase chain reaction o (PCR) test ni Pasig City Mayor Vico Sotto at negatibo ang resulta nito. Ibinahagi niya ito sa kanyang social media account ngayong araw, March 15.
Ngayong araw din, ibinahagi ni Vico ang kanyang pakikiramay sa kanyang driver na binawian ng buhay at nagpositibo sa COVID19. Dahil isa siya sa mga close contac, kailangan niyang mag-quarantine ng dalawang linggo alinsunod sa safety protocols na inilatag ng gobyerno kontra COVID-19.
“Kasalukuyang ako ay naka-quarantine. Nag-COVID-19 test na ako kahapon bilang ako po ay isang close contact. Strictly susunod tayo sa protocols natin.
“Hindi muna ako makakapasok sa trabaho at kina-cancel ko muna ang appointment o meeting. Kung maaari ay i-Zoom, Viber, text, and phone call muna ang pagtatrabaho,” pahayag niya sa kanyang Facebook Live.
Dagdag pa niya, huli niyang nakasalamuha ang driver noong Miyerkules bago ito isugod sa ospital. Binawian ito ng buhay nitong Sabado.
Samantala, nagpasalamat din si Vico sa lahat ng nagpadala ng mensahe at nagdasal para sa kanya.
“Thank you for your messages and prayers. Let's all do our part to prevent the spread of this virus and its variants,” aniya sa isang Facebook post.