
Isang importanteng tao sa buhay ni Mika Dela Cruz ang dahilan kung bakit siya lumipat sa Kapuso network.
Mapapanood na ang bagong Kapuso actress na si Mika Dela Cruz ngayong January 9 sa GMA Telebabad soap na Meant To Be. Bago ang launch ng pinakabagong romantic comedy series ng Kapuso network, ibinahagi ni Mika ang rason kung bakit siya lumipat sa GMA.
Almost 11 years ding naging Kapamilya si Mika at doon na siya nagsimula sa showbiz. Ayon sa kanya, malaki raw ang parte ng kanyang nakatatandang kapatid na si Angelika Dela Cruz sa kanyang pagiging Kapuso ngayon.
"Sabi ng ate ko magaling mag-alaga ang GMA, mabait sila sa mga artista nila, ma-a-appreciate nila 'yung talent ko so try mo roon. Sabi niya mag-e-enjoy ka rin," kuwento ni Mika.
Nagpalit din ng handlers si Mika at ngayon ay co-managed na siya ng GMA Artist Center at PPL Entertainment, Inc. ni Perry Lansigan. "Actually kasi manager niya (Angelika) po talaga si Tito Perry. Sabi niya doon ka kay Perry mabait 'yon tapos sa GMA Artist Center maalaga sila," anang aktres.
Hindi raw nagdalawang-isip si Mika dahil sa kanyang Ate Angelika. "Siyempre siya 'yung reason kasi nakikita niya naman kung paano sila rito (GMA). I trust my ate and I trust her decisions at saka decision ko rin naman po," saad niya.
Dagdag pa ni Mika, ngayon ay nararanasan na raw niya ang lahat ng sinasabi sa kanya ni Angelika. "Nafi-feel ko 'yung pag-aalaga nila, sa handlers ko pa lang, sa managers ko pa lang, nafi-feel ko 'yung pag-aasikaso. Napapa-feel nila sa 'yo na you are valued, you are important kahit kontrabida ako rito. Walang discrimination, walang pressure," ani Mika.
Makakasama ni Mika ang kaibigang si Barbie Forteza sa Meant To Be. Abangan ang kanyang character na si Mariko ngayong January 9 pagkatapos ng Alyas Robin Hood sa GMA Telebabad.
MORE ON MIKA DELA CRUZ:
Mika Dela Cruz "guardian angel" ang kanyang ate Angelika Dela Cruz?
Mika Dela Cruz stuns in Shinjuku photo shoot for clothing brand
Mika Dela Cruz celebrates 18th birthday