
Itinanggi ni Aiai Delas Alas ang kumakalat na blind item na ayaw na raw niyang suportahan ang pagpapa-rehab ni Jiro Manio.
Ayon kay Aiai, hindi niya ugali na mag-post sa social media ng mga problema niya o kaya ng mga ginagawa niyang pagtulong sa iba. Pero tila hindi siya nakapagtimpi nang may bulung-bulungang ititigil na raw niya ang suporta sa batang aktor.
Sambit niya, “Sa mga balita reg(arding) Jiro, ayoko magpaliwanag kasi sabi sa bibliya at gusto ng Diyos 'pag tumutulong ka, 'di mo kailangan ipagsabi. It’s between you and God.”
“Hanggang sa kagabi isang hindi sikat ng reporter ang nag-blind item sa akin sa Facebook na alam na alam mong ako ‘yung tinutukoy na gusto ko daw palabasin si Jiro sa rehab dahil ayaw ko nang gastusan?,” dugtong ng Sunday PinaSaya star.
Ibinahagi raw ito ni Aiai sa kanyang social media upang klaruhin ang lumalabas na balita.
Aniya, “Doon sa mga hindi naman nakakatulong at naninira lang, si Lord na bahal sa inyo. And si Jiro, paiba-iba ‘yan ng isip so minsan wala nalang akong magawa kundi ipag-pray siya.”
“Ako pa din ang nagbabayad hanggang ngayon ng rehab niya. Kaya kayong mga walang magawa, mapanghusga at walang naitulong or maiitulong.. shut up,” patuloy ni Aiai.
Kasama ng mensahe niyang ito ang litrato ng text message ni Jiro sa kanyang attending physician.