
Isang parangal ang tinanggap ni Glaiza de Castro sa pagdiriwang ng Ika-148 na Anibersaryo ng Kapanganakan ni Dr. Pio Valenzuela mula sa Valenzuela City.
Si Glaiza o Glaiza Castro Galura sa tunay na buhay, ay kinilala sa larangan ng sining-biswal at pantanghalan. Ayon sa kanyang tinanggap na parangal, ito ay para sa "ipinamalas na kahusayan sa kanyang larangan ay inspirasyon sa bawat mamamayang Valenzuelano."
Sa Instagram account ipinahayag ni Glaiza ang kanyang pasasalamat sa award na kanyang natanggap.
Pagsisimula ni Glaiza, "Madalas kong gamitin ang salitang "suryal" dahil ganun naman talaga ang madalas na nangyayari sa akin. Isang malaking karangalan na mabigyan ng isang mataas na parangal at pagkilala sa larangan ng sining-biswal at pantanghalan ng lunsod kung saan ako isinilang at lumaki."
Ibinahagi rin ni Glaiza ang excerpt ng kanyang speech.
"Ngayong araw na ito, napagtanto ko na ang ibinigay sa ating mga parangal ay hindi para sa katanyagan, respeto ng ibang tao o anumang dahilan. Ito ay paalala na kahit paano, may nagawa tayong kabutihan hindi lang para sa ating mga sarili kundi para sa iba. At yun ang nagbibigay ng mas malalim na kahulugan kung bakit tayo nagpapatuloy.Ang makatulong sa anumang kaparaanan. Dahil ang totoong tagumpay ay hindi sinasarili at pinagtatalunan. Nagpapasalamat ako kabilang ang mga nandito ngayon, sa lahat ng bumubuo ng 15th Gawad Dr. Pio Valenzuela Committee sa pagbibigay halaga sa aming propesyon. Hindi lang ito karangalan kundi inspirasyon sa pagpapatuloy ng paggawa ng tama na sinimulan ng ating nakalipas na henerasyon. To God be the glory at mabuhay po tayong lahat."
Congratulations, Glaiza!