
Bumuhos ang pasasalamat sa veteran manager na si Alfonso Castro Poy Lorenzo o mas kilala na Tito Alfie Lorenzo sa kaniyang burol mula sa mga artista na naging alaga niya.
Namatay sa edad na 78 ang batikang manager at columnist sa atake sa puso.
Sa panayam ng 24 Oras kay Judy Ann Santos na matagal na naging alaga ni Tito Alfie, alam daw niya na tahimik na namayapa ang kaniyang dating manager lalo na't namatay siya sa isang lugar na gusto raw niya.
Aniya, “Kung may isang bagay man siya na alam kong gusto niya ‘yung huwag siyang mahirapan kung mamatay man siya. At mamatay siya sa isang lugar na gusto niya, which is namatay siya sa casino. Dun siya masaya eh.”
Binigyang-diin ni Juday na maayos at walang silang samaan ng loob ni Tito Alfie kahit na umalis na siya sa poder nito.
Ani Juday, “Wala akong masyadong hinaing, kasi alam ko sa sarili ko at peace akong nagpaalam sa kaniya at nagpasalamat ako sa kaniya. I was able to say everything."
“I forgive you and I forgive myself and I am sorry again. Though nasabi ko naman sa kaniya ‘yun in person. Kaya siguro wala ako masyadong maramdaman na masakit, kasi nasabi ko naman lahat,” dagdag ng aktres.
Sinariwa rin ng misis ni Ryan Agoncillo ang mga turo sa kaniya ng tinuturing niyang pangalawang ama.
“Itinuro sa akin ni Tito Alfie na kung mayroon man akong dapat hindi makakalimutan ‘yun ‘yung pagpapasalamat at pagdadasal. Hindi lang tuwing may kailangan.”
Isa sa mga dumalaw sa burol ni Alfie Lorenzo ang dati niyang alaga na si former Bubble Gang star Sunshine Cruz na malaki ang pasasalamat sa pagtitiwala nito sa kaniyang talento.
Saad ni Sunshine, “Siya ‘yung nagtiwala sa akin, inalagaan niya ako. And lagi niya akong pinagtatanggol every time na mayroong mga bagay na nasusulat o sinasabi sa akin.”
Video courtesy of GMA News