
Pinayuhan daw ni Comedy Queen Aiai Delas Alas ang anak-anakan na si King Badger o Jon Gutierrez in real life.
Kamakailan ay nadawit sa isyu ang Ex Battalion member na si Jon at ang asawa nitong si Jelai Andres.
Sa kaniyang solo press conference para sa Sons of Nanay Sabel kanina, May 2, ikinuwento ni Aiai, “Sinabi ko sa kaniya, Jon, ang pag-aasawa hindi 'yan laro.”
Dagdag niya, “Sabi ko October ka pa lang ikinasal, siyempre, kahit papaano masasaktan 'yung asawa mo.”
Inaayos naman daw ni Jon ang isyu nila ng kaniyang asawa.
Ani Aiai, “Sabi niya inaayos naman niya. Nililigaw-ligawan niya ulit si Jelai.”
Parang anak na raw talaga ang turing ni Aiai sa Ex B.
Kaya naman ang hiling niya, “Sana maayos. Ako 'yung manager at tumatayong magulang nila siyempre wala namang magulang na gusto 'yung anak nila pariwara 'yung relasyon.”
Matuto sa mga pagkakamali, 'yan ang pinakamaipapayo raw ni Aiai sa mga miyembro ng Ex B.
Aniya, “Sa dami ng pinagdaanan ko, ang tanga-tanga ko naman kung hindi pa ako makapag-advice nang maayos.
“'Yung sakin, by experience. Sinasabi ko sa kanila [Ex B] lahat ng mga pagkakamali kong itinama ko.”
Abangan si Aiai delas Alas at ang Ex Battalion sa Sons of Nanay Sabel, showing na ngayong May 8.