Mona Louise Rey, isang dog lover | GMANetwork.com - Entertainment - Home of Kapuso shows and stars - Articles

Pagkatapos ng Luna Blanca, ay agad na binigyan ng GMA Network ng panibagong proyekto ang cute at talented child star na si Mona Louise Rey.

Mona Louise Rey, isang dog lover



Pagkatapos ng Luna Blanca, ay agad na binigyan ng GMA Network ng panibagong proyekto ang cute at talented child star na si Mona Louise Rey.

Masayang ikinuwento ng Kapuso child star ang mga detalye ng kanyang bagong role sa Edifice Studios sa Makati City, last August 17. 

Nabigyan ng lead role si Mona sa panibagong show sa primetime na  Aso Ni San Roque, na siguradong aabangan at pupukaw sa puso ng mga manononood. Gaganap siya bilang si Fatima isang bulag at maka-Diyos na bata, ngunit kalahating tao at kalahating aswang. “Mahirap po ako, tapos si Angel (dog) siya po ‘yong kasama ko at siya po  ‘yong  maga-guide sa akin dito.”

Dahil sa halos lahat ng scenes ay makakasama nito ang trained dog na si Princess o Angel sa on-screen role nito sa Aso Ni San Roque, tinanong namin kung sa tingin ba nito’y makakasundo niya ito. “Opo kasi, noong una pa lang po, noong taping po namin sumusunod na po siya agad sa akin. Mabait po siya at ‘di po siya nangangagat. Tapos ang lambing-lambing niya po.”

Bukod dito, sanay na sanay na rin ang young actress na  mag-alaga ng  aso, dahil marami siyang  pet dogs. “May pets din po ako, mga aso rin po. Si Lassie po ‘yong name ng dog ko. Kasi po marami po akong pets, at mayroon din po akong labrador at saka isa pa pong pomeranian. Gusto ko po talaga mag-alaga ng dogs.”

Nang tanungin ang child star kung natatakot ito sa mga aswang o manananggal dahil ito ang tema ng bago niyang show na Aso Ni San Roque,ito ang naging sagot niya. ”Hindi po ako naniniwala doon. Kasi lagi po akong nagsisimba at nagpe-pray. Iyon po 'yong ginagawa ko pag natatakot ako.”

Nagpalasamat din ito sa GMA Network na siyang nagbibigay sa kanya ng sunod-sunod na proyekto. “Matagal ko na pong gustong-gusto na maging artista. Kaya po nagpapasalamat po ako sa GMA dahil binibigyan po nila ako ng maraming projects.”

Abangan ang pagganap ni Mona Louise Rey bilang Fatima, sa newest primetime show ng GMA na Aso ni San Roque, ngayong Setyembre. - Paula Panganiban, GMANetwork.com