Michael V, nakalabas na ng ospital matapos ma-dengue; lubos ang pasasalamat sa mga tumulong at nagdasal | GMANetwork.com - Entertainment - Home of Kapuso shows and stars - Articles

Sa kabutihang palad, nakalabas ng ospital si Michael V last August 19, Monday at na-interview siya muli via phone patch ng STARTALK TX last August 24.

Michael V, nakalabas na ng ospital matapos ma-dengue; lubos ang pasasalamat sa mga tumulong at nagdasal

Nag-alala ang marami noong August 15 nang malaman na mayroong dengue si Michael V. na kilala rin bilang Bitoy. Bumaba ang platelet count ng Kapuso funny man kaya nanawagan ang kanyang pamilya para sa blood donation. Nahirapan sa pagkalap ng dugo na B+ na isang rare blood type. 
 
Nuong August 17, 2013, Sabado, ibinalita ni Bitoy sa STARTALK TX na confined pa rin siya sa ospital. “Tumaas na ng konti iyong platelets [ko]. Medyo nag-improve na, pero isang beses pa lang ako nakunan after ng pinakamababa. Hinihintay pa iyong pangalawang resulta noong blood extraction. Kasi, pagka itong pangalawang pagkuha mataas na ulit, malamang tuluy-tuloy na,” pahayag niya via phone patch sa STARTALK TX.
 
Sa kabutihang palad, nakalabas ng ospital si Michael V last August 19, Monday at na-interview siya muli via phone patch ng STARTALK TX last August 24. “Kaninang umaga Nagpa-blood platelet count uli ako. I’m glad to announce nasa 319,000 na iyong platelet count.
 
“Actually, mataas na siya. Nasa 150 to 400 [thousand] daw ang normal. Very good na,” dagdag pa niya.
 
Malaking Pasasalamat
 
Naramdaman ni Bitoy ang suporta at pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa kanya nang dumagsa ang tulong para sa kanyang agarang paggaling.
 
“Overwhelmed nga eh, kaya nuong nag-post ako sa Instagram at saka sa Twitter sabi ko ‘Okay na. Hindi na kailangan ng blood donation’ kasi at that point talagang medyo dumagsa nga eh. Hindi lang iyong mga kaibigan ko, hindi lang iyong mga kasama natin sa industriya, pati Red Cross nagpunta mismo,” he happily recalled.
 
Sa interview, nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat sa mga nagbigay ng tulong at nagdasal para sa kanya.
 
“Unang-una sa lahat ng mga kaibigan, mga kasama sa industriya, iyong mga pamilya ko ng Bubble Gang ng Eat Bulaga at saka ng Pepito Manaloto. Iyong mga staff at mga nurses ng St. Lukes, iyong mga doctors...
 
“Iyong mga nag-offer ng prayers especially those people na hindi ko naman talaga kilala pero lahat sila nag-Tweet, nagpo-post ng prayers. Tingin ko, isa iyon sa pinakamalaking nagawa at naka-survive ako sa sakit na ito,“ pahayag ng Kapuso comedian.
 
Lessons Learned
 
Ano ang natutunan ni Bitoy sa pangyayaring Ito?  “Pinausukan na namin [ang bahay ko]. Mahirap eh. Hindi lang para sa sarili ko kundi pati sa pamilya na rin sa lahat ng kasambahay dito.”
 
Dagdag pa niya, “Ganoon din ang sinu-suggest ko sa lahat lalo na iyong mga binaha ng nakaraang bagyo. Dapat talaga mag-ingat tayo kasi ibang klase pala talaga itong dengue. “
 
Inamin ng komedyante na nakaramdam siya ng takot dahil hindi niya ito inasahan.“Siguro lahat ng lalaking tinatamaan ng ganitong edad, ang feeling natin mga Superman tayo. Pero hindi eh, nakakatakot iyong rapid na pagbaba ng platelet.”
 
Kuwento pa niya, “There was a time na umabot na lang ng 10,000 [ang] platelets ko. Tapos, nagkaroon ako ng platelet transfusion.  After we checked, 10,000 pa rin. There was a time in my life na ang tumatakbong platelet sa katawan ko hindi na akin. Sa ibang tao na."
 
Hindi biro ang pinagdaan ni Bitoy dahil marami palang ka-akibat na sakit ang dengue. “Grabe iyong back pain at saka iyong mga kasu-kasuhan na masakit. Talagang bone-breaking disease ang dengue. Hindi talaga biro.”
 
Nais ni Bitoy na huwag na maranasan ng iba ang magkaroon ng dengue at nagbigay siya ng payo para maiwasan ang sakit na ito. “Dapat linisin natin iyong pali-paligid. Dapat wala talagang mga stagnant water. At saka kung afford naman natin na bumili ng mga anti-mosquito na lotion at saka mga patches gawin na natin. Walang mawawala kumbaga kaysa buhay naman ang mawawala. Nakakatakot."
 
Tuluy-tuloy ang pagpapatawa ni Michael V tuwing Biyernes sa Bubble Gang at tuwing Linggo sa Pepito Manaloto. Mapapanood din siya bilang isa sa mga host ng Eat Bulaga. -- Text by Eunicia Mediodia,GMANetwork.com.