
Dahil sa patuloy na pag-aaral ni Kapuso actress Janine Gutierrez sa kanyang Legally Blind character na si Grace, maraming realizations ang pumapasok sa kanyang isip tungkol sa mga taong may kapansanan tulad ng kanyang role.
Ikinuwento ni Janine ang kanyang immersion sa mga taong bulag. "Talagang nagpunta kami sa National School for the Blind, kinausap namin 'yung teachers at mga estudyante roon tapos tinuruan nila kami kung paano sila mamuhay," bahagi niya.
Ayon kay Janine, bilib daw siya sa mga tulad ni Grace. "Na-inspire ako kasi hindi nila kino-consider na hadlang 'yung pagiging wala nilang vision. May teachers doon na nagtuturo despite being blind tapos mayroon silang mga anak. Normal talaga 'yung buhay nila. [They are] very inspiring," anang aktres.
Dagdag pa niya, "Makikita mo 'yung mga bata roon na talagang pinagpupursigihan nila 'yung braille. Mayroon ding marunong mag-basketball at napakagaling kumanta."
Dahil sa kanyang mga nakita, napatunayan ni Janine na hindi hadlang ang pagkakaroon ng kapansanan upang matupad ang mga pangarap. "Kung ano man 'yong feeling mo na problema mo, hindi mo dapat gawin 'yon na excuse para hindi mo pagbutihan 'yung mga ginagawa mo," paliwanag niya.
Sa huli, sinabi ni Janine na ipapakita ni Grace sa Legally Blind ang kanyang mga natutunan sa kanyang immersion sa mga taong bulag.
MORE ON 'LEGALLY BLIND':
WATCH: Janine Gutierrez, todo suporta ang mga magulang sa 'Legally Blind'