Royal baby talk with Marian and Dingdong

Aug 16, 2014 14:55 pm

By CHERRY SUN
 
“Ideally, immediately after.”

Ito ang sagot ni Primetime King Dingdong Dantes nang tanungin nina Startalk hosts Lolit Solis at Ricky Lo tungkol sa isang bagay na inaabangan ng families at supporters nila ni Primetime Queen Marian Rivera – ang kanilang royal babies.

Sa unang mga interview kay Marian, sinabi niyang willing siyang magkaroon ng maraming anak at lumaki ang katawan para sa ikasasaya ng kanyang asawa.

Nang kumustahin sila ng Startalk tungkol dito, sagot ni Dingdong: “We take the blessings one step at a time. Para sa akin, sa aming dalawa, malaking blessing na mangyari po ito at finally mangyayari sa December 30. Pero gusto po namin eh, ideally immediately after.”

Magiging masaya rin daw si Marian kahit ilan mang anak ang ipagkaloob sa kanila. Sa kanilang press conference ni Dingdong noong Biyernes, idinagdag niya na nais sana nilang magkaroon ng kambal dahil nasa lahi ito ng kanyang pamilya.

Sa pagdating ng kanilang royal babies, handa na kaya ang Primetime Queen na bitiwan ang korona at showbiz?

Paliwanag ni Marian, “Hindi ganoon si Dong eh. Si Dong ang tipong partner na kung ano ang ikaliligaya ko at kung saan ako magiging okay, doon siya.”

“Hindi ko pa nararanasan na maging ina pero kung magkakaroon naman ako ng anak, sisiguraduhin kong aalagaan ko ang anak ko at hindi ko pababayaan,” dagdag niya.

December 30

Pagkatapos mag-propose ni Dingdong noong August 9 sa ikalawang pagkakataon, ipinahayag ng showbiz power couple na ikakasal sila bago matapos ang taon sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao.

Malapit daw ang cathedral sa puso ng royal couple dahil dito bininyagan si Dingdong at dito rin sila madalas magpunta at magdasal.

Priceless ring

Naging malakas din ang usap-usapan tungkol sa engagement ring na pinili mismo ni Dingdong para sa kanyang soon-to-be-wife.

Sa estimate ni Startalk host Ricky Lo, ang Harry Winston ring ay may halagang $5,000 to $500,000.  Ngunit para kay Dingdong, iba ang halaga ng kanyang regalong singsing.

Aniya, “Hindi naman ho mahalaga ‘yung sino may gawa, (o) magkano. Basta ‘yung importante ‘yung essence po, ‘yung intention ng pagbigay.”

Si Marian naman, ramdam din ang kanyang kahalagahan.

“Mapalad ako na nagkaroon ako ng ganito na pinagsisigawan sa buong mundo kung gaano niya ako kamahal. Ang sarap sa isang babae na yayain ng pinakamamahal niyang lalaki na magpakasal at mahalin niya in public. So thankful ako na talagang nariyan siya,” kwento niya.

Wedding preparations

Sa ngayon ay hindi pa maibahagi nina Marian at Dingdong ang ibang detalye ng kanilang kasal dahil nasa planning stage pa rin sila.

Ayon kay Marian, kailangan pa niyang i-finalize ang kanyang wedding gown.

Tinatapos pa lang din ngayon ang bahay na magiging tahanan ng royal couple.

Maliban sa mga kamag-anak, si Star for All Seasons at Batangas Governor Vilma Santos pa lamang ang kumpirmadong ninang nila sa kasal.