Ken Carpena ng 'To The Top,' nagsimulang mangarap sa palengke

August 3, 2015

By CHERRY SUN
 
“Big dreams have small beginnings.” Totoo ang katagang ito para sa Palengke Cutie ng To The Top na si Ken Carpena.
 
Sa palengke nabuo ang pangarap ni Ken na maging isang mahusay na performer para makatulong sa kanyang pamilya.
 
“Nung bata pa lang po ako, nai-imagine ko na sarili ko, ‘Magiging child star ako.’ Eh napaka-imposible po kasi nung bata ako kasi dugyot nga po ako, ang taba-taba ko, ang itim-itim ko,” pag-alala ni Ken.
 
Pag-alala rin niya, “Dumating po sa point na nawalan po kami, as in walang wala kasi nawalan po ng trabaho si daddy, nawalan din po ng trabaho si mommy.” 
 
 
Dahil dito, nagsumikap siya sa pag-aaral. Naging scholar siya noong high school, samantalang kaunti lang ang kanilang binabayaran sa Philippine University of the Philippines (PUP) Sta. Rosa pagpasok niya sa college.
 
Wala rin siyang pinalagpas na oportunidad para makamit ang kanyang pangarap. Nag-audition si Ken sa commercials, sumali sa mga talent search programs tulad ng Protégé, StarStruck at pati sa ibang reality shows ng ibang istasyon.
 
Batid niya, ang mga maaga at mahirap niyang karanasan sa buhay ang humubog sa kanyang pagkatao.
 
“Siguro po kaya ganito ako ka-mature na kasi nag-iisip na po ako ngayon ng pwedeng mangyari, negative at positive. Dumating po ako sa point na nararamdaman ko na hindi ko naramdaman pagkabata ko, ‘yung teenage life ko kasi hindi ako kagaya nung iba na saya-saya lang ‘yung hinahanap,” pahayag niya.
 
Ang tanging bagay na tumulak sa kanyang magsumikap noong bata siya ay ang tumutulak pa rin sa kanya sa pagsali ngayon sa To The Top.
 
“Kung mafu-fullfil ko po ‘yung pangarap ko maging singer, performer, dancer, makakatulong din po kasi ako sa pamilya ko at the same time,” wika ni Ken.
 
“Gustong gusto ko po talaga ‘to. Nandito na ako eh, hindi ko po ‘to papalampasin,” pagtatapos niya.

SEE ALL STORIES >