Luis Gragera, mula sa broken family pero buo ang loob manalo sa 'To The Top'

August 3, 2015

By MARY LOUISE LIGUNAS

 
May kumpetisyon mang namumuo sa pagitan niya at ng kanyang kapatid, at magkahiwalay man ang mga magulang niya, desidido si Luis Gragera na manalo sa To The Top.
 
Nakaabot ang kanyang kuya na si Niño sa Top 25 ng programa, pero na-eliminate rin ito. Kuwento ni Luis, palagi silang magkasama sa pag-audition at pagsali sa mga singing contest kaya’t palagi silang nakukumpara.

“Siguro dahil parehas kaming performer, tapos lagi po kaming kumakanta ng sabay. Masakit din siya [minsan pero] super close [talaga kami],” sabi ni Luis.
 
Lumaki rin siya sa isang broken family, at nakatira kasama ang kanyang kapatid at ina. Hindi raw madali noon na minsan niya lang nakikita ang kanyang OFW na ama, lalo pa noong tuluyan nang naghiwalay ang kaniyang mga magulang.
 
“Kasal pa rin po sila pero hiwalay. 'Pag nakikita ko po sila, close po sila. Siguro ginagawa po [nila yun] para [sa amin],” dagdag niya.
 
Sinusubukan ni Luis maging positibo sa bawat aspeto ng kanyang buhay, lalo na ngayong napabilang siya sa first multi-platform boyband competition ng bansa.
 
Na-ho-homesick man siya habang nasa To The Top artists' camp, iniisip na lang niya na ngayo’y mas lumaki ang kanyang pamilya.
 
“Masaya [ako] kahit [may lungkot dahil] medyo malayo sa ‘kin pamilya ko. Nag-eenjoy ako [kasi] nandito naman 'yung fellow trainees ko. Parang sila yung tumatayong magulang at mga kapatid ko. Pinapasaya nila ko [at] lahat kami nag-e-enjoy sa lahat ng activities,” kuwento niya.
 
Abot langit rin ang kanyang pasasalamat dahil sa pagkakataon na binigay sa kanya ng GMA Network na maging parte ng isang boy band. Sinisiguro niya na lulubusin niya ang biyayang naipagkaloob sa kanya.
 
“In-e-enjoy ko lang lahat. ['Yung mga] training, kahit mahirap, ine-enjoy ko lang. Minsan, kapag nahihirapan na ‘ko, sinasabi ko na lang na once in a lifetime lang ‘to kaya i-e-enjoy ko na ‘to,” dagdag ni Luis.

SEE ALL STORIES >