Eat Bulaga's Mr. Pogi 2012 Edric Ulang, itinuturing na 'big break' ang 'To The Top'

August 7, 2015

By MARY LOUISE LIGUNAS 



Inilalarawan ni Edric Ulang ang kanyang sarili bilang isang anak na gagawin ang lahat para sa kanyang mga magulang. Ito ang nag-motivate sa kanya na sumabak sa showbiz.
 
“Ang nanay ko po [sobrang natutuwa] kapag nakikita niya ko sa TV [kahit] nag-e-extra extra [lang] po ako. So kapag nakikita niya kahit 'yung damit ko lang [sa TV] tapos naglalakad ako [sa likod ng mga artista], tuwang tuwa na siya doon,”
sabi niya.
 
Nakapag-extra na si Edric sa longest-running gag show ng bansa na Bubble Gang, at pinalad na manalo sa Mr. Pogi segment ng Eat Bulaga noong 2012. Tuwing lumalabas siya sa GMA, abot-tainga daw ang ngiti ng kanyang ina.
 
Gayunpaman, na-realize ni Edric na hindi ganun kadali maging parte ng mundo ng showbiz. Nakita niyang hindi ka makasisiguro sa mga susunod na project, kahit ilang beses ka nang napanood ng viewers.
 
“[At one point, na-discourage na ko kasi] medyo nawawala-wala nga po ako [sa TV]. Kasi 2012 po yung Mr. Pogi, at ngayon 2015 na [at hindi ko pa rin na-e-establish ang sarili ko],” dagdag niya.
 
Malakas pa rin ang pananampalataya at paniniwala ni Edric dahil pinanghahawakan niya ang words of encouragement ng kanyang mga magulang.
 
“Sobrang supportive ng nanay at tatay ko talaga. Lagi nila ko pinagsasabihan na hintayin ko lang yung break ko. Sabi nila, ‘Hintayin mo lang, darating din 'yung para sa ‘yo.’ Sila 'yung nagpapatatag sa ‘kin [talaga],” kuwento niya.
 
Kaya’t laking pasasalamat niya nang mapabilang siya sa To The Top. Maliban sa pagkakataon na maging parte ng bagong boy band ng binubuo ng GMA Network, nakikita ni Edric na na-de-develop rin niya ang kanyang sariling mga kakayanan.
 
“Sobrang laki nitong opportunity [to be part of] To The Top kasi unang-una, talagang nadedevelop ko 'yung personality ko dito… Natutuwa ako kasi maraming nagsasabi na nag-iimprove daw ako,” aniya.
 
Dahil ito ang kanyang ?itinuturing na ‘big break’ sa showbiz so far, nilulubos niya ang bawat araw na parte siya ng programa.
 
“Talagang dapat sobrang bigyan mo ng halaga ['yung pagkakataon]. Kumbaga, bawat araw, talagang dapat focused ka kasi bihira [‘to eh]. Sobrang swerte ko kasi nagkaroon ako ng opportunity [na ganito]… ang daming taong gustong-gusto [maranasan 'yung pinagdaraanan ko ngayon] pero hindi nila makuha. Sobrang thankful ako kay God [na nandito ako],” idineklara niya.

SEE ALL STORIES >