MJ Magno ng 'To The Top,' ticket ang boses para sa pag-asenso ng pamilya

August 11, 2015

By CHERRY SUN


Dati ay hindi raw sumasali ng contests si MJ Magno. Ngunit nang makita niyang maaaring ito ang paraan sa pag-asenso ng kanyang pamilya, nagbago ang isip niya.

Noong nakaraang taon, sumali si MJ sa World Championship of Performing Arts na ginanap sa Los Angeles, California. Hindi man niya nauwi ang titulo, nakatanggap naman siya ng medals at recognition para sa iba’t ibang categories.

Aniya, “For me ‘yung experience na ‘yun sobrang saya kasi ni-represent ko ‘yung Pilipinas, ipinaglaban ‘yung country ko.”

WATCH: Kilalanin si MJ Magno, ang Go-Getter ng To The Top 

Para mapabilang sa To The Top, huminto sa pag-aaral si MJ at ininda ang mawalay muna sa piling ng kanyang pamilya. Bahagi ng Go-Getter ng To The Top, isang mas magandang buhay ang kanyang inaasam para sa kanyang pamilya kaya’t hindi siya tumitigil sa pag-audition.

Pag-amin ni MJ, “Nakakalungkot pero, sobrang saya ko kasi alam kong proud na proud sila sa akin na nakapasok ako dito. Matagal ko na talagang pinupush na makapasok sa isang show, na makita sa TV. Tuwang tuwa sila every time na nakikita ko sila. Kahit malungkot na hindi kami magkakasama, masaya ako kasi proud sila sa akin.”

May pressure rin daw bilang nakatatandang anak na makapagbigay ng maginhawang buhay sa kanyang ama at ina.

“Matanda na kasi ‘yung parents ko and ako ‘yung panganay sa amin. Kumbaga pag nag-retire na ‘yung parents mo, ikaw na ‘yung tatayong financer sa bahay,” sambit ni MJ.

“Gusto ko talagang makatulong sa family ko. Gusto kong maging stable kami. Gusto kong makatulong sa ibang tao. Ginagawa ko ‘to para ibalik lang kay God ‘yung binigay niya sa akin,” dagdag din niya.

SEE ALL STORIES >