Ken Carpena, naka-relate kay Alden Richards sa pag-alis sa 'To The Top'

September 8, 2015

By CHERRY SUN

 
Hindi maitatangging isang malaking dagok para sa Palengke Cutie na si Ken Carpena ang kanyang naging elimination mula sa boy band search ng GMA na To The Top.
 
“Nalungkot [ako] siyempre. Ang hirap tanggapin nun eh kasi ‘yung family mo umaasa sa ’yo tapos ‘yung expectations nila nandoon. Alam nilang kaya mo pero hindi mo na nakuha ‘yung gusto nila,” pahayag ni Ken.
 
Ipinangako niyang tutulong siya sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagkamit ng kanyang pangarap bilang isang performer. Nanghihinayang man sa oras
na sana ay nakapagtrabaho siya para tumulong sa kanilang mga gastusin, aminado rin si Ken na marami siyang natutunan mula sa competition.
 
 
Aniya, “Hindi naman nasayang. May natutunan ako dito. May mababaon akong mga experiences and memories, tsaka ‘yung mga tinuro sa amin nung coaches.”
 
Kuwento pa niya, nakaka-relate din siya sa naging karanasan ni Alden Richards na minsan na niyang nakatrabaho sa kanilang hometown sa Sta. Rosa, Laguna.
 
“Alam ko kasi ‘yung kuwento ni Kuya Alden na nagsimula siya sa StarStruck tapos top 40 plus natanggal siya. Sobrang down siya noon kasi nag-promise siya sa mother niya na gagawin niya lahat," kuwento ni Ken. "Namatay ‘yung mother niya kaya kailangan niyang [magpursigi lalo para] sa promise niya. Ako, nag-promise ako sa mga buhay pa. So mas okay pa ‘yung sa akin kaysa sa kanya,” dagdag niya.
 
Batid ni Ken, darating din ang tamang oras para sa kanya. Alam niyang sa pag-exit niya sa To The Top ay malaki na rin ang kanyang ipinagbago.

“Ken Carpena before To The Top siguro... hindi kasi siya marunong kumanta. Alam mong pang-videoke lang [dati], pero ngayon siguro masasabi ko na na hindi naman sobrang galing, pero marunong na. Better Ken ‘yung lalabas,” sambit nito.

SEE ALL STORIES >