GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa isang children's shelter | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng mga pagkain at bitamina ang GMA Kapuso Foundation para sa isang children's shelter sa Quezon City. Naghandog din ito ng face shields at food supplements para sa mga 'house parents' na namamahala dito.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa isang children's shelter

By MARAH RUIZ

Mga batang naging biktima ng karahanasan, pagmamalupit, pangaabuso, o inabandona ng magulang ang mga nananatili sa Reception and Study Center for Children (RSCC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa kasamaang palad, ilang "house parents" o mga tumatayong magulang ng mga bata sa shelter ang nagpositibo sa COVID-19.

Dahil dito, nagkaroon ng mass testing ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit sa mga bata at matatanda ng shelter.

"Mahirap din po silang magkasakit lalo at hindi pa natin alam kung paano i-manage ang COVID. Since may mga trauma experiences po sila, sana hindi na po madanasan kung paano magkaroon ng sakit na ito," pahayag ni Dr. Johanna Castro, medical officer ng RSCC, DSWD-NCR.

Para mapalakas ang resistensiya at manatiling malusog ang mga bata sa shelter, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng pagkain at bitamina para sa kanila.

 

 


Para naman sa house parents, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng face shields at food supplements.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakiisa ng Lola Remedios All-Natural Supplement Syrup sa operasyon.

Sa mga nais pang mag-abot ng tulong, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.