Itinuturing milagro ng ginang ang pagkakaligtas nilang mag-iina sa kotseng dinaganan ng cement mixer sa Quezon City. Ang pumanaw naman niyang asawa na siyang nagmananeho ng kotse, tila naghabilin na raw sa anak dalawang araw bago maganap ang trahediya.

Sa ulat ni Mark Zambrano sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing namamaga pa bahagi ng katawan ni Marife Ramos na nagtamo ng pinsala dahil sa aksidente noong Martes ng hapon sa Mindanao Avenue.

Nakiusap si Marife na huwag na muna siyang ipakita sa harap ng camera pero makikita ang mga sugat na tinamo niya sa kaniyang kanang braso.

Higit umano sa pisikal na sakit na nararamdaman dulot ng pagkakadagan sa kanila ng cement mixer truck, ay ang sakit sa damdamin na wala na ang kaniyang mister na si Ulysses.

Kasama nilang mag-asawa sa kotse ang tatlo nilang anak nang mangyari ang sakuna. Si Ulysses ang huling naialis sa napitpit nilang kotse pagkaraan ng dalawang oras.

"Kitang-kita ko po yung reaksyon nung pagkabagsak nung bubong nung kotse sa may ulo ng asawa ko, tapos yung iyak ng mga anak ko," pag-alala niya sa nangyari.

Sa sandaling iyon, nagpakatatag ang mag-asawa para sa kanilang mga anak at hindi raw tumigil si Marife sa pagtawag sa Diyos na tulungan sila.

"Dasal ako nang dasal, please Lord Jesus hawiin n'yo po yung nasa bubungan namin, ang bigat-bigat po," ayon sa ginang. "Sabi ko po sa mag-ama, 'hinga kayo, hinga kayo, 'wag kayong  matutulog.' Tapos ako nararamdaman ko init-init ng ano namin, hinihipan ko asawa ko para magkaroon siya ng hangin."

Sa kabila ng pagkakaipit, gumawa umano ng paraan ang kaniyang mister para pakalmahin siya sa kanilang kalagayan.

"Hinawakan niya po yung binti ko, parang kino-comfort niya ako," kuwento niya.

Milagro para kay Marife na apat silang nakaligtas sa naturang trahediya.

At dalawang araw bago ang sakuna, tila nagbilin na raw ang asawa niya sa kanilang anak.

"Nung huling Sunday po sabi niya, 'anak 'wag n'yong bibigyan ng sama ng loob ang mommy ha," ayon kay Marife. -- FRJ, GMA News