Bumuhos ang galit ng isang ina sa Tondo, Maynila nang barilin at mapatay ng mga salaring nakamotorsiklo ang kaniyang anak bago maghatinggabi nitong Martes. Ang biktima, dati umanong gumagamit ng droga pero nagbagong-buhay na.

Sa GMA News "Unang Balita" ni James Agustin, kinilala ang biktima na si Aldrin Castillo, na katatapos lang daw makipag-inuman nang pagbabarilin sa Herbosa Street ng mga salaring sakay ng motorsiklo.

"Puro nanlaban, nanlaban. Ibig sabihin lahat ng adik ngayon may baril na? Eh di naging 'wild, wild, west na tayo. Barilan na lang nang barilan," hinanakit ng ina ng biktima na si Nanette Castillo.

"Ito sinasabi ko, nanay ako, bakit ganu'n? Bakit ganu'n, patay kaagad? Bakit yung mga puĀ¬_ _ _ _ ng mayayaman na 'yan, hindi pinapatay?" patuloy niya.

Inikut-ikutan pa umano ng anim na salarin na nakasakay sa tatlong motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin na dahilan ng kaniyang agad na pagkamatay.

Aminado ang ina ni Castillo na gumagamit dati ng droga ang anak pero matagal na raw itong tumigil.

Tanong pa ng ginang para kay Pangulong Rodrigo Duterte; "Bakit pag mahihirap patay na agad? Duterte pakinggan mo itong sinasabi ko! Bakit pati mga Chinese na nagpapasok ng droga rito, VIP turing niyo? Bakit 'pag mahihirap patay agad? Wala pa kayong ebidensya."

Hindi naman naplakahan ng mga residente ang mga motorsiklo ng mga suspek at hindi rin gumagana ang CCTV sa lugar.

Palaisipan din sa mga kamag-anak ang motibo sa pamamaril dahil wala umanong kaaway ang biktima. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News