Naaresto ang suspek sa pagpatay sa 'good Samaritan' at Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr. Ayon sa suspek, pera lang ang nais niya sa biktima pero nanlaban daw ito kaya niya napatay.

“Alam ko mahihirapan kayong mapatawad ako pero pera lang ang gusto ko sa kaniya pero lumaban po siya,” ayon sa naarestong si Narc Tulod Delemios, alias Miko, nang iharap ng pulista sa media nitong Miyerkules.

Nang iharap ni Philippine National Police chief Director General Ronald dela Rosa ang suspek sa media, nandoon din ang pamilya ng biktima.

Ayon kay Brenda, asawa ni Maquidato, alam niya na walang ibang hangad ang kaniyang mister kung hindi ang makabalik sa kanila.

“Alam ko hindi lalaban ang asawa ko. Alam ko gusto niyang bumalik sa pamilya niya. Alam ko ang iniisip niya paano siya makaaalis sa ‘yo para makauwi sa amin,” umiiyak na pahayag ng maybahay.

Hindi naman napigilan ng ina ng biktima na tanungin si Delemios kung bakit hindi nito pinagbigyang mabuhay ang kaniyang anak.

“Hindi mo pinagbigyan. Bakit mo ginawa? Napakawalang puso mo, masahol ka pa sa hayop,” hinanakita niya.

“Napakasipag niya. Parang hayop ang ginawa mo sa kanya. Pagsisisihan mo nang habambuhay ang ginawa mo,” dagdag niya.

Sinabi ni Dela Rosa na kailangan ipa-drug test si Delemios.

Nadakip si Delemios nitong Martes ng gabi sa Barangay Sto. Niño sa Pasay City.

Una rito, lumabas sa imbestigasyon ng Pasay police na may dati na ring may kasong pagpatay si Delemios at may nakabinbing warrant of arrest noon pang 2015.

Nabawi rin sa Tarlac City ang ninakaw na silver Toyota Innova ng biktima na tinanggalan na ng plaka at conduction sticker.

Makikita ang basag na salamin kung saan tumagos ang bala matapos barilin si Maquidato mula sa likod na tumagos sa kaniyang mata noong Oktubre 26.

Napag-alaman din ng pulisya na ibang cellphone ang ginamit ng suspek nang magpa-book sa Grab.— FRJ, GMA News