Isang bangkay ng lalaki na may mga tama ng bala sa ulo at katawan at nakagapos pa ang kamay ang natagpuan sa San Isidro, Makati nitong Sabado ng madaling araw.

Sa ulat sa Balitanghali, nakilala ang biktima sa pangalang alyas Sabog na tinatayang nasa 40 anyos.

Natagpuan ang bangkay ng biktima bandang ala-una ng madaling araw.

Nakakuha ang mga pulis ng ilang tingga at basyo ng bala malapit sa bangkay ng biktima.

Gayunman, wala naman umanong narinig na putok ng baril ang mga residente sa lugar.

Sinabi ng mga taga-barangay na hindi raw taga-roon ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng lalaki. —Jamil Santos/ALG, GMA News