Natagpuan sa loob ng maleta ang bangkay ng isang call center supervisor na hubo't hubad, at may mga sugat sa katawan sa Baclaran area sa Pasay City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Leonardo Caleja o Ponggay, na nagdiwang ng kaniyang ika-33 kaarawan noong Enero 11.

Inireport na nawawala si Caleja noong Enero 19 nang hindi na ito nakauwi matapos na nagpaalam umano na makikipagkita sa mga kaibigan.

Pagkaraan ng siyam na araw, nakatanggap ng masamang balita ang pamilya ng biktima matapos na makita ang bangkay nito sa Pasay.

Batay sa death certificate, aspyxia by strangulation o pagsakal ang ikinamatay ng biktima.

May nakita ring mga galos at sugat sa braso ng biktima na posibleng palatandaan na idepensa niya ang sarili sa salarin, ayon sa pulisya.

Ayon sa kaibigan ng biktima, matapos nilang kumain ay nag-uwian na sila pero nabanggit daw ni Caleja na mayroon pa siyang pupuntahan.

Nakuha sa crime scene ang pulbos, suklay at tsinelas, habang nawawala ang cellphone at wallet ng biktima.

Posibleng pagnanakaw ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa krimen pero may tinitingnan pa raw silang mas malalim na anggulo.

Mayroon na rin umanong "person of interest" ang mga awtoridad base sa CCTV footage pero hindi muna nila ito idinetalye .

"Palagay ng mga imbestigador, ito ang makapagbibigay-susi sa aming pag-iimbestiga. May mga footage tayo na nakuha na siya yung huli na may tangan-tangan ng maleta," sabi ni Police Superintendent Gene Licud, Deputy Chief of Police, Pasay-PNP.

Kamakailan lang, nakita ang bangkay ng call center employee na si Marvin Jacla sa Tanay, Rizal na nakabalot ng duct tape ang ulo, nakagapos ang mga kamay at paa, at binuhusan pa umano ng muriatic acid. 

READ: Bangkay ng call center employee nakagapos, binuhusan ng muriatic acid

Nawawala naman ang SUV ng biktima na ginagamit niya sa pagpasok sa trabaho.

Huling araw na pumasok umano sa trabaho si Jacla noong Enero 11. -- FRJ, GMA News