Sumuko sa kanilang barangay sa Malabanban Sur nitong Martes ng gabi ang ina na nag-iwan ng kaniyang sanggol sa isang sementeryo sa Candelaria, Quezon.

Pasado alas otso ng gabi nang dumating siya sa barangay hall kasama ang kanyang ina at mga kapatid.

Ang 22 taong gulang na ina, matapos ma-irecord sa barangay ang pagsuko, ay dinala sa himpilan ng Candelaria Municipal Police Station.

Tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa GMA News.

Ayon sa kaniyang ina, Linggo ng hapon daw niya iniwan ang kaniyang anak sa sementeryo. Wala raw itong masabi na dahilan sa kaniyang ginawa.

Gusto na raw nilang makuha ang sanggol at iuwi na subalit tutol dito ang barangay chairman dahil dapat raw muna itong pag-usapan ng Department of Social Welfare and Development, Philippine National Police, at Candelaria local government unit.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Candelaria Municipal Police Station ang ina ng sanggol.

Ngayong Miyerkules, nakatakda silang magpulong kasama ang DSWD. —BAP/KG, GMA News