Hustisya ang sigaw ni Cris Tanyag matapos ang pagkamatay ng kaniyang asawang si Madonna Joy, isang assistant special prosecutor ng Office of the Ombudsman, nitong Lunes ng hapon sa Quezon City.

Patay sa saksak ang apat na buwang buntis na si Madonna Joy, na iniwan din ang dalawang taong gulang na anak nila ni Cris.

"Sana tulungan niyo po ako na mai-deliver ang hustisya sa asawa ko. Hindi ko talaga akalain na sa lahat ng tao sa amin pa mangyayari," ani Cris sa ulat ni Susan Enriquez sa "24 Oras" ngayong Lunes.

Arestado na ang suspek sa pananaksak, ayon sa Quezon City Police District.

Base sa inisyal na imbestigasyon, pabalik na sa opisina ang 33-anyos na biktima matapos dumalo sa isang hearing sa Sandiganbayan nang mangyari ang insidente.

Bumili muna si Madonna Joy ng milk tea sa isang tindahan sa may Visayas Avenue at pabalik na ng kaniyang sasakyan ng biglang tambangan ng suspek.

"Base sa sinabi ng doktor, tatlong saksak po," ayon kay Senior Police Officer 3 Tirso Dela Cruz ng QCPD Station 2.

Isinugod pa sa East Avenue Medical Center si Mary Joy, pero hindi na naisalba ng mga doktor ang kaniyang buhay.

"Hindi po siya humihinga, wala pong blood pressure at wala na rin po ang kanyang puso no so madaling sabi po zero ang vital signs niya," ayon kay Emmanuel Bueno, direktor ng ospital.

Nanawagan rin si Ombudsman Conchita Carpio Morales sa PNP na imbestigahang maigi ang kaso ni Madonna Joy at siguraduhing mahuli agad ang may-sala.

“The Office will leave no stone unturned in solving the case,” dagdag pa ng Office of the Ombudsman, na nakiabot din ng pakikiramay sa pamilya ng biktima. —JST, GMA News