Nagbigay na ng kaniyang salaysay ang basketbolistang si Jeron Teng sa pananaksak na nangyari sa kaniya at dalawa pang kasama nitong Sabado sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa News To Go nitong Miyerkoles, idinetalye sa sulat kamay na sinumpaang salaysay ni Teng na pinagdiskitahan sila ng grupo ng mga suspek na nakilalang sina Edmar Manalo Lacanlale at Williard Basili.

Ininsulto at binastos daw sila ng mga suspek. Sunod na nakita raw niya, sugatan na at binugbog na ang kasamang si Thomas Christopher Torres.

Nang mamagitan daw si Teng, siya naman ang sinuntok at inundayan ng saksak.

Sa ilang cellphone video na nakapost sa social media, makikitang nakikipagsuntukan si Teng kay Lacanlale at isa pang kasamahang suspek na si Williard Basili.

Halos ganito rin ang salaysay ni Torres.

Apat hanggang anim na tao raw ang bumugbog sa kaniya. Nakita rin niya nang saksakin siya nina Lacanlale at Basili gamit ang ring knife.

Sa salaysay ng kasamahan nina Teng na si Lorenzo Navarro, narinig daw niya nang sinigawan sila ng grupo ng mga suspek ng 'idol' sabay insulto sa kanila.

Lumapit daw si Torres sa grupo para kausapin pero bigla na lang itong pinagsusuntok ng mga suspek.

Ganun din daw ang nangyari kay Teng.

Batay sa mga dokumento mula sa ospital, sumailalim sa surgery si Teng, ang dating De La Salle Green Archer na ngayon ay naglalaro sa Alaska sa PBA.

Tatlong malalim na saksak raw ang tinamo ni teng.

Naka-confine pa rin si Torres dahil pinapagaling ang napunit na muscle sa braso.

Sugatan din sa braso bagama't una nang na-discharge si Norbert Torres na dumalo kahapon sa inquest proceedings sa Taguig fiscal's office.

Kita din sa mga litrato kung paano kinuhanan ng sinumpaang salaysay ang mga biktima at kung paano kinilala ang mga suspek gamit ang mga mugshot mula sa pulis.

"Nakakulong pa rin po 'yung dalawa and it also gives us an opportunity to seek justice against these two accused because meron pa pong mga ibang John Doe," ayon kay Howard Calleja, abogado ng mga biktima.

Hinihintay pa ng Philippine National Police ang CCTV footage mula sa pamunuan ng Bonifacio Global City para malaman kung sino ang nagsimula ng gulo.

Nanatiling nakakulong ang dalawang suspek sa Taguig Police Headquarters jail. —JST, GMA News