Arestado ang tatlong hinihinalang drug pushers—isang Japanese at dalawang Filipino—sa isang buy-bust operation sa Makati City noong Martes.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles,  sinabing pabalik-balik na umano sa Pilipinas ang Japanese na kinilalang si Haruhisa Nakamura mula pa noong 2010, at ang dahilan ay para umano bumili ng droga.

Dagdag pa, kumukuha umano ang Hapon ng mga babaeng menor de edad para sa kaniyang entertainment agency.

Pahayag ni Police Chief Inspector Jerry Amidalan ng Southern Police District Drug Enforcement Unit, "Yung mga kinukuha niyang (Nakamura) shabu na nabibili niya ay pinapagamit din sa mga kustomer niyang usually minors na mga babae.  Ang business nito ay mga babae, parang agent."

Tulak din umano ng shabu ang suspek.

Nasakote ang Hapon sa isang condominium sa Makati City, kung saan kinukuha niya sa dalawang Pinoy suspects ang shabu.

Doon na rin sila naabutan ng mga operatiba ng SPD Drug Enforcement Unit ang mga suspek.

"Immediately nung dineliber sa kanya yung worth P6,000 na shabu, agad niyang ibinigay sa police asset natin ang may P2,000 halaga ng shabu," ayon kay Amidalan.

Agad na inaresto ang Hapon at dalawang Pinoy sa suspek, ayon sa pulis.

Mahaharap ang tatlo sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GAM News