Isang lalaking umano'y tulak ng droga ang napatay matapos itong makipagbarilan umano sa mga pulis sa Barangay Progreso, Gumaca, Quezon nitong Martes ng gabi, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nakilala ang napatay na si Alberto Lee ng Lucena City na may maraming kaso kabilang ang pagtutulak ng ilegal na droga.

Ayon sa Gumaca Police, matagal na nilang minamanmanan si Lee.

Noong Martes, pasado alas-otso ng gabi, hawak ang isang arrest warrant, nagtungo ang mga pulis sa bahay na tinutuluyan ni Lee upang arestuhin ito.

Tumakbo papasok ng bahay si Lee upang kumuha umano ng baril.

Pinaputukan ni Lee umano ang mga pulis kung kaya't gumanti ito ng mga putok hanggang mamatay ang suspek.

Narekober kay Lee ang isang baril at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa kanyang anak, hindi raw nanlaban ang kanyang ama at wala raw itong baril. —KG, GMA News