Malaking halaga ng ilegal na droga, mga cellphone at iba pang mga ipinagbabawal na kagamitan and nasamsam ng mga awtoridad sa loob ng National Bilibid Prison nitong Miyerkules.

Sa ulat ng News TV Live, isinagawa ang Oplan Galugad sa Building 14 ng pasilidad kung saan nakakulong ang ilang mga high-profile inmates.

Nakumpiska mula sa iba't ibang selda ang ilegal na droga na nagkakahalaga P200,000 at P21,000 na pera.

Maliban sa mga armas tulad ng kutsilyo, baton at arnis, kinumpiska rin ang iilang gadget tulad ng cellphone, speaker, charger, DVD player at mga bala nito.

Nasamsam rin sa operasyon ang iilang kagamitan na ipinagbabawal sa piitan tulad ng martilyo, lagare, plier, mahjong set, barahang panlaro, electric stove, lighter, at tako ng bilyar. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News