Nagbigay ng babala si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes laban sa urban poor group na Kadamay na lisanin ang mga inukopa nilang housing unit na laan sa mga sundalo at pulis sa Rodriguez, Rizal.

Sa kaniyang talumpati sa mga bagong halal na punong barangay sa Laguna, sinabi ni Duterte na magpapadala siya ng anti-riot policemen at Special Action Force para itaboy ang mga miyembro ng Kadamay na basta na lang kinuha ang mga bahay nang hindi dumaan sa tamang proseso.

Banta pa niya, ibibigay niya sa Kadamay ang away kung gusto ng mga ito ng away.

"Sabi ko sa pulis kunin ninyo ulit. Kung gusto ninyo ng away, sabihin ko sa pulis bigyan mo ng away. Kung magkamatayan, huwag kayong mauna. Pero kung kailangan pumatay kayo para i-implement ang legal na regulasyon gawin niyo," sabi ng pangulo.

"Umalis kayo by 12. 'Pag hindi, sabihin ko ang pulis with the riot back-upan ang SAF. Magkamali kayo maggamit ng armas. Kung mamatay kayo, 'yon ang dapat," dagdag niya.

Hindi pa malinaw kung mayroong miyembro ng Kadamay na nananatili sa housing project sa Barangay San Isidro sa Rodriguez, Rizal na pinuntahan ng grupo at kaalyado nito nitong Miyerkules.

Sa mga naunang ulat, sinasabing nilisan na ng grupo ang lugar.

Kasabay nito, kinastigo rin ni Duterte ang makakaliwang grupo na kaalyado ng urban poor organization.

"Mahirap 'yang i-hostage mo ako, na takutin mo ako. Ngayon sino gusto magtulong sa inyo? 'Yung mukha ko sinusunog ninyo tapos manghingi ka sa akin ng bahay? Gago ka ba?" sabi ni Duterte.

"Iniihian ninyo ang mukha ko tapos sinusunog pa ninyo, ngayon manghingi kayo ng tulong? T— ina ninyo, problema ninyo 'yan. Sino ang tinatakot niyo, ako? T— ina," patuloy ng pangulo. 

Una rito, iginiit ng Kadamay na pinuntahan nila ang housing project para "bantayan" ang mga bahay na ipinangako ng gobyerno sa mga maralita.

Sabi nito Gloria Arellano, national chairperson ng Kadama, napilitan silang magsagawa ng "bantayang bahay" protest matapos na hindi mabigyan ng pabahay ang kanilang miyembro.

Dagdag pa niya, mayroon na umanong kautusan mula sa pamahalaan na nag-aatas sa National Housing Authority na ipamigay sa mga kuwalipikadong benepisaryo ang mga pabahay na hindi tinitirhan.

Nitong nakaraang Mayo, pinirmahan ni Duterte ang congressional resolution na nagpapahintulot sa NHA na ipagkaloob na sa mga benepisaryo ang mga housing unit na walang nakatira.— FRJ, GMA News