Patay ang dalawang lalaking miyembro umano ng akyat-bahay gang sa Barangay Batasan Hills, samantalang napatay din ang dalawang hinihinalang tulak ng droga sa Barangay Milagrosa.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Linggo, kinilala ang mga suspek na miyembro umano ng akyat-bahay gang na sina alias "Rakrak" at alias "Rigor."

Pinasok daw ng mga suspek ang isang abandonadong bahay sa isang subdivision sa San Mateo Road na agad namang napansin ng mga nag-iikot na guwardiya.

"Nagtaka ho kami bakit may ilaw ho ang bahay na ito po ay alam naming walang tao. Kaya kami po ay tumawag ng... nanghingi kami ng responde sa ating kapulisan sa Batasan Station 6," sabi ni Glenn Mark Ugay, isang security guard.

Nagkaroon daw ng engkwentro sa pagitan ng mga suspek at ng pulisya.

Nakuha sa kanila ang isang martilyo, dalawang baril, at labing-isang sachet ng hinihinalang shabu.

"Mayroon ngang reported na mga nakawan dito, lalo na 'yung modus ay akyat bahay kaya nga laging nagpapatrolya 'yung ating mga pulis at nagkataon na ngayon lang sila natiyempuhan," saad ni Police Senior Superintendent Ronaldo Ylagan, deputy district director for operations ng Quezon City Police District (QCPD).

Samantala, napatay rin ang dalawang lalaking hinihinalang tulak umano ng ipinagbabawal na gamot sa Barangay Milagrosa.

Kinilala ang mga suspek na sina alias "Danny Baba" at alias "Bansot," na kabilang umano sa bagong illegal drugs watchlist ng QCPD Station 8.

Ayon sa mga awtoridad, sa Cubao raw dapat magaganap ang transaksyon subalit lumipat ang mga suspek sa Katipunan hanggang sa napunta sila sa nasabing barangay.

Nanlaban daw ang mga suspek kaya sila napatay.

"Pagkaabot na pagkaabot ng pera nung ating mga pulis ay bigla na lamang tumakbo at siguro nakahalata... Pinutukan 'yung ating mga pulis kaya napilitan ding magpaputok 'yung ating mga pulis," kwento ni Ylagan.

Narekober sa kanila ang dalawang baril at ilang sachet ng hinihinalang shabu. —Anna Felicia Bajo/KG, GMA News