Matapos ng magkasunod na rollback, may dagdag-presyo ulit sa mga produktong petrolyo. Samantala, ang hinihintay na ayuda ng mga jeepney driver na fuel vouchers mula sa gobyerno, sa Hulyo pa raw maipamimigay.

Sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing 45 sentimo kada litro ang dagdag sa presyo ng diesel at kerosene,  habang 20 sentimo naman kada litro ng gasolina.

Para sa tsuper na si Mar Molina, ang dagdag presyo sa krudo ay mangangahulugan ng bawas sa kita na kaniyang maiuuwi sa pamilya.

"Wala na. Imbis na makauwi ka ng P500, P300 na lang," saad niya.

Makatutulong sana sa mga tsuper para bawas sa kanilang gastos ang P5,000 fuel vouchers na ayuda ng pamahalaan  pero sa Hulyo pa raw ito maipamimigay," ayon sa Department of Transportation.

Bukod dito, wala pa raw desisyon kung isang bagsakan ibibigay ang naturang ayuda para sa tinatayang 180,000 tsuper na may lehitimong prangkisa.

Ayon kay DOTR Undersecretary Tim Orbos, tinitingnan pa nila ang posibilidad ng card version sa pagbibigay ng fuel voucher sa halip na "cash."

Dahil tataas pa ang excise tax sa petrolyo sa mga susunod na taon dahil sa TRAIN Law na magpapataas din sa presyo ng naturang produkto, nangako ang DOTR na itataas din nila ang pinansyal na tulong sa mga jeepney driver.

Nirerekomenda ng DOTR na magbigay ng nasa P17,000 sa bawat may prangkisa sa 2019 at nasa P26,000 naman sa 2020.

Ang presidente ng Pasang-Masda na si Obet Martin, hindi lubos na sang-ayon sa naturang paraan ng pagkakaloob ng tulong sa mga tsuper.

"This is only a band-aid solution, pansamantala. Bakit na lang hindi idagdag sa pondo ng gobyerno para sa modernization program. Itulong na lang sa operator at ito ay matagal pang pakikinabangan ng lahat," aniya.

Sa naturang modernong jeepney, 40 porsiyento umano ang matitipid ng tsuper sa gastos sa diesel at kaya pang magsakay ng hanggang 30 katao.

Ang bawat modernong jeepney ay nagkakahalaga ng nasa P1.5 million, habang nasa P80,000 lang ang subsidiya na ibinibigay ng gobyerno para sa naturang programa kaya nais ni Martin na maitaas. -- Maia Tria/FRJ, GMA News