Kita sa CCTV ng Barangay 807, sa pagitan ng Vito Cruz at San Andres Station ng Philippine National Railways pasado alas sais ng umaga nitong Martes ang babaeng naka shorts na tila sumisilip sa direksyon ng paparating na tren.

Tumigil, saka naglakad papunta sa riles ng tren.

Ang kasunod na kuha ng CCTV na ipinalabas sa ulat ni Ivan Mayrina sa 24 Oras, nagkukumpulan na ang mga tao sa may bahagi ng riles ng tren.

"Nagsilip-silip muna siya kung paalis na 'yung tren eh," ayon kay Rodrigo Fabi, isang saksi.

Nagkahiwa-hiwalay ang mga bahagi ng katawan ng babae na dinala sa Ilagan Memorial Chapels sa Onyx sa Maynila.

Walang nakakakilala sa babae sa lugar. Wala pa ring pagkakilanlan sa kanya at hanggang hapon, wala pang nagke-claim sa katawan nito sa punerarya.

Iniimbestigahan ng pulisya ang buong pangyayari.

Sa datos ng PNR, mula Enero hanggang Mayo ng 2018, umabot na sa 17 ang insidente ng sideswiping o nahahagip na mga sibilyan ng mga tren nila.

Bagama't na-clear na at wala nang mga bahay sa tabi ng mga riles sa kanilang perimeter fence, may mga tambay pa rin daw ito.

Ang iba, ginagawang tawiran din ang riles ng tren. Sa ilang bahagi may mga inaalagaang manok, aso.

"Fencing talaga 'yung ating magiging solusyon diyan kaya lang for now hindi na kami magfe-fencing kasi kasama na siya sa project du'n talaga sa North-South Railway Project," ayon kay Joseline Geronimo, OIC general manager ng PNR. —JST, GMA News