Patay ang isang guwardiya sa Pandacan, Maynila matapos niyang makipagsaksakan sa kapwa niya guwardiya dahil lamang umano sa away sa duty.

Makikita sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Miyerkoles na naghahabulan ang suspek na si Johnny Killa at biktimang si Jetson Cabarles sa loob ng isang condominium. Nang makaakyat na sa ikalawang palapag ng gusali, nagpang-abot na ang dalawang guwardiya.

Mapapansing inundayan ni Killa ng saksak si Cabarles. Sinubukan pang lumaban ni Cabarles subalit tuluyan na siyang bumagsak mula sa mga saksak ng suspek.

Iniwan ni Killa na duguang nakahandusay ang biktima. Sinubukan pa niyang tumakas pero agad na nakaresponde ang iba pang mga tauhan ng gusali.

Naisugod pa si Cabarles sa ospital subalit agad din siyang binawian ng buhay.

Ayon sa pulisya, nagsimula ang alitan ng dalawa nang mapikon umano si Cabarles sa suspek nang hindi siya nito narelyebuhan sa duty.

"Sinaksak niya 'yung pisngi ng suspek. Doon nagmula 'yung bunuan nila, 'yung suspek eh nakakuha ng kutsilyo hanggang umabot sa habulan. 'Yung away nila eh napakasimple lang, dahil lang sa duty na hindi pinasukan," saad ni Police Officer 1 Danny Kabigting, imbestigador ng kaso, Manila Police District (MPD). 

Nakapiit na sa kulungan ang suspek na tumanggi nang magbigay ng pahayag ukol sa insidente.

Hustisya naman ang sigaw ng mga kaanak ng biktima na nagtamo raw ng 19 na saksak sa katawan at isang tama ng baril.

"Tanong namin, sir, bakit ganon talaga sir ka-brutal ang ginawa ng... kasama niya, sir? Gusto lang naman namin mabigyan ng hustisya... ang ginawa ng kalaban, sir," sabi ni Jason Casquete, pinsan ng biktima.

"Kasi sir 'yung pinsan namin... sobrang bait po... tapos siya pa naman 'yung panganay... tapos ginanyan... tapos 19 ang saksak tapos isa ang ano tama ng baril," dagdag pa niya.

Ayon sa MPD, aalamin nila sa Philippine National Police Supervisory Office on Security and Investigation Office (PNP-SOSIA) kung kumpleto sa training at physical exams ang mga guwardiya na sangkot umano sa krimen.

"Lahat ng security guard dapat talaga mahigpit 'yung neuro psychiatric test para maiwasan natin 'yung ganyan kasi dapat 'yung stress factor na kahit na di ka mapalitan sa duty or magovertime ka, maovercome mo 'yung stress," paliwanag ni Kabigting.

Paalala naman ng mga awtoridad, huwag magpadala sa emosyon sa anumang sitwasyong kinakaharap.

"Unang-una run eh unawain muna natin 'yung sitwasyon, 'wag tayong magpadala sa emosyon," sabi ni Kabigting. —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News