Inaresto ang isang 82-anyos na lola matapos mahulihan ng 250 na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyon sa kanilang tahanan sa Rizal Avenue, Batangas City.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Estelita "Nanay" Andal na may suot pang oxygen support nang maaresto.

Nahuli rin ang iba pa niyang kasama na sina Danilo "Kalbo" Ramos, 32, at Circoncicion "Mamira" Andal, 59.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, ang grupo umano nina Lola Estelita ang pangunahing nagsusupply sa mga tulak ng iligal na droga sa Batangas City.

"Ang ginagawa nilang cover kunwari may sakit sila, 'yung bahay nila 'yung old house para hindi halata. Disimulado 'yung kanilang drugs business for several years," sabi ni Police Senior Superintendent Edward Quilates, provincial director ng Batangas PDO.

Mariin namang itinanggi ni Lola Estelita na nagbebenta sila ng ipinagbabawal na gamot.

"'Yun eh may nagdala, ipinahabilin at kukuhanin daw kagabi. Pag po nagpapahabilin sa akin at kinukuha ulit eh binibigyan ho ako ng pera," sabi ni Lola Estelita.

Subalit, hawak ng pulisya ang ilang text messages na makapagpapatunay na sangkot nga ang grupo ni Lola Estelita sa iligal na gawain.

Inaalam na rin ng pulisya ang ilan pang detalye ng transaksyon nina Lola Estelita upang matukoy kung saan nagmumula ang shabu na ibinebenta nila.

"May hawak ka na shabu, definitely may mas malaking pinanggagalingan baka may ibang negosyanteng involved diyan sa droga. Siguro darating ang panahon makakapa din kayo ng kapulisan," saad ni Police Chief Superintendent Edward Carranza, regional director ng PRO-4A.

Nanawagan din ang mga awtoridad na itigil na ang mga ganitong klase ng krimen.

"Kay alyas Nanay, isipin po natin ang nasisirang buhay at kinabukasan sa pagtutulak ng iligal na droga. Sa lahat ng nasa gawaing ito, nananawagan kaming tumigil na," sabi ni Quitales. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News