Dapat maging maingat sa paglilinis ng tainga dahil maaari itong mauwi sa disgrasya tulad ng nangyari sa isang batang tatlong-taong-gulang na nabutas ang eardrum.

Isang halimbawa ang nangyari sa batang si Aisen na hindi nagsasalita at palagi lang nasa sulok at tahimik, ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles. 

Saad ng ina ni Aisen na si Nicole Anne Bautista, tila hindi siya naririnig ng anak at mayroon ding lumalabas na likido mula sa kaliwang tainga ng bata.

Ang hinala niyang posibleng dahilan ng lahat, ang pakakasundot niya sa tainga ng anak nang minsan na nilinis niya.

"One time po nilinis ko po hanggang loob po. Umiyak po siya noong nasundot po," paglalahad ng ina.

Dahil sa kulang ang kanilang kinikita na mag-asawa, hindi nila naipasuri sa doktor ang kanilang anak.

Nang samahan sila ng Kapuso Foundation na ipatingin sa doktor ang bata, napag-alamang na mayroong kondisyon si Aisen sa tainga na kung tawagin ay "chronic otitis media."

"Nabutas 'yung ating salamin, 'yung eardrum natin. Tapos pulang-pula 'yung nandoon sa loob. 'Yung middle ear na 'yon yung nagkakatas ng nana," sabi ng sumuring doktor na si Dr. Gil Vicente.

Tama rin ang hinalang dahilan ni Nicole tungkol sa pagkakasundot niya sa tainga ng anak.

"Hindi advisable talaga na laging linisin ang tenga. 'Pag nililinis lalo na yung mga cotton buds, hindi natin tantsado kung ano 'yung nasa loob," pahayag ni Dr. Vicente.

Mayroon din kaakibat na posibleng komplikasyon ang naturang kondisyon sa tainga na nagkakaroon ng nana.

"Puwedeng hanggang pumunta 'to mabutas at magkaroon nang tinatawag nating abscess o nana na puwedeng pumunta doon sa utak," sabi pa ng doktor.

Kailangan pang sumailalim sa ilang pagsusuri si Aisen kaya humihingi ng tulong si Nicole para sa pagpapagamot sa anak.-- FRJ, GMA News