Isang bagong silang na sanggol ang nakita sa gilid sa isang fast food restaurant  sa Imus, Cavite nitong Miyerkules ng umaga.

 

(Photo: Jesica Tan Verano/FB)


Sa Facebook post ni Jesica Tan Verano, makikitang hawak ng mga staff ng Jollibee store ang sanggol na lalaki at may nagpadede rin sa bata.

"Kung sino man po ang na- iwan ng sanggol na ito malapit sa store ng Jollibee Imus Pag-asa si God na bahala sayo," saad niya sa caption ng larawan.

"Naiiyak ako kasi iniwan siya ng mga walang kwenta nyang magulang... Kukunin na sya ng DSWD," patuloy ni Verano sa post.

Sa isa pa niyang post, sinabi ni Verano na nasa mabuting kalagayan ang baby at nasa pangangalaga na ng DSWD.

Sa panayam ng Youscoop, sinabi ni Verano, na isang traffic enforcer ang pumasok sa Jollibee na dala ang sanggol. Nakita raw ang sanggol sa gilid ng establisimyento at ipinasok dahil sa sobrang init sa labas.

Naantig umano ang puso ng mga kawani ng Jollibee, at sa pangunguna ng kanilang team leader na si Nins Francisco Llovit, nagpasya silang linisan ang bata.

Hinala nila, bagong silang ang sanggol dahil sariwa pa umano ang pinutol na pusod nito at may kaunti ring dugo ang ulunan ng bata.-- FRJ, GMA News