Ilang magkakaibigan na katatapos lang umanong dumalo sa fellowship at nag-uusap sa gilid ng kalsada bago umalis ang sinalakay ng anim na holdaper na nakasakay sa tatlong motorsiklo sa West Avenue sa Quezon City.

Ayon kay Youscooper na si Marissa, nangyari ang insidente noong June 20, sa maliwanag na bahagi ng Barangay Paltok sa West Avenue, Quezon City dakong 8:00 p.m.

Saad ni Marissa, katatapos lang nilang magkakaibigan na mag-fellowship at nagpapaalam na sila sa isa’t isa nang dumating ang mga holdaper na armado ng baril.

Sa video, makikita na tatakbo pa sana ang mga biktima pero hindi sila nakalayo dahil na rin sa armado ng baril ang mga holdaper.

Kinuha umano ang mga holdaper ang kaniyang mga bag, pera, at mga cellphone.

Sabi pa ni Marissa, may guwaridya naman sa lugar ngunit hindi na raw ito nakatulong dahil armado ang mga holdaper.

Maliban sa mga galos na tinamo ni Marissa dahil sa pagkakadapa nang tangkain niyang tumakbo, wala namang nasaktan sa insidente.

Naipaalam na umano nila sa pulisya ang insidente.-- FRJ, GMA News