Nasabat ng mga pulis-Quezon City ang aabot sa 12 kilo ng pinatuyo na marijuana sa magkahiwalay na operasyon nitong Biyernes ng gabi at naaresto ang limang suspek. 

Sa ulat ng GMA News, nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Quezon City Police District Station 10.

Unang nagsagawa ng buy-bust operation sa Barangay Immaculate Concepcion pasado 9 p.m. at nahuli sa aktong nagtutulak ng marijuana ang mga suspek na kinilalang sina Edced Lim at Allen Devillas.

Dalawang kilong marijuana ang nasamsam mula sa dalawang suspek, at mula sa kanila nakakuha ng lead ang mga pulis ang mga karaniwang kausap nila sa pagtutulak ng marijuana.

Kaya umorder ang mga nagpapanggap na buyer ng karagdagang 10 kilo sa mga contact ng mga suspek.

Dito na nahuli ang tatlo pang mga suspek na kinilalang sina Mark Philip Jualan, 27; Jordan Bringas, 24, at Juan Soriano, 27.

Tumangging magbigay ng pahayag ang tatlo kung saan galing ang marijuana. Pero ayon sa mga pulis, likely galing sa Norte.

Ayon sa mga awtoridad, aabot ng P30,000 ang street value kada kilo ng marijuanang na nasamsam. Aabot sa kabuuang halaga na P300,000 nasabat na droga.

Sasampahan ang mga suspek ng paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act. —LBG, GMA News