Patay ang dalawang estudyante habang kritikal naman ang isa pang kasama sa aksidente sa Tacurong City sa Sultan Kudarat noong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ng GMA News, nangyari ang askidente sa Barangay San Emmanuel ng lungsod bandang 7 a.m.

Batay sa impormasyong ibinahagi ni Police Superintendent Joefel Siason, chief ng Tacurong City Police, binangga ng isang Isuzu Wing van na bumiyahe mula sa Matalam, North Cotabato papuntang Polomolok, South Cotabato ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.

Sa tindi ng pagkakabangga, pumasok pa sa gilid ng truck ang isa sa mga biktima habang halos hindi naman mabakinabangan ang kanilang motorsiklo.

Agad na binawian ng buhay sina Ronel Suarez, 18, ng Barangay Kalanawe 2, President Quirino (driver ng motosiklo) at si Emman Earl Borres, 16, ng Barangay Tina, Tacurong City.

Kritikal naman si Justine Ledesma, 17, at residente ng Kalanawe 2, President Quirino, Sultan Kudarat.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang insidente.

Samantala, nasa kustodiya na ng Tacurong PNP ang driver ng truck na hindi na muna pinangalanan. —LBG, GMA News