Nabiktima ang artistang si Patricia Javier ng basag-kotse modus sa Marikina nitong gabi ng Linggo, ayon mismo sa kuwento ng aktress sa Unang Balita nitong Lunes.

Ani Patricia, kumakain siya at ilang kasama sa isang kainan sa Marcos Highway malapit sa isang mall sa Marikina nang nag-alarm ang kanyang kotse.

Inakala ni Patricia na nasagi lamang ng dalawang naka-scooter na lalaki ang kanyang kotse kaya ito'y nag-alarm, ngunit napansin na lamang niya na basag na ang bintana ng passenger's seat ng kotse niya.

Nakuha ng mga suspek ang bag niyang naglalaman ng pera, credit cards, at kuwintas na may letrang PJ na may naka-embed na diamond na kanyang sinusuot noong dalaga pa lamang siya.

Bago nangyari ang insidente, may batang lalaki raw na gumabay sa pag-parking ng aktres at tumawag sa kanyang atensyon ng dalawang beses upang magpalabas ng ibang kotseng paalis ng lugar.

"Nung ano na, bigla na lang 'yung batang lalaki kumatok dun sa window, humihingi ng pera na pangkain. Pinabigyan ko sa friend ko. Wala pang three minutes na nakaalis siya, bigla nang nag-alarm 'yung kotse," ani Patricia.

"Yung bata, kasi the whole time nakikita ko nagga-guide," dagdag nito. "Pakiramdam ko part 'yun."

Susuriin ng pulis ang CCTV ng kainan sa Marcos Highway kung saan dumadami raw ang insidente ng basag-kotse. Ayon mismo sa may-ari ng kainan, pangatlo na raw si Patricia na nabiktima sa lugar na iyon. —Rie Takumi/KBK, GMA News