Itinanggi ng ama ng batang makikita sa viral video post na iniwan sa loob ng isang nakaparadang SUV na nag-iinuman silang mag-asawa nang mga sandaling iyon.

Bagama't tumangging humarap sa kamera, isinalaysay ng ama sa GMA News ang mga pangyayari noong gabing iyon sa isang sikat na gimikan sa Ortigas.

Aniya, mag-aalas dos daw nang madaling araw nang dumating sila sa gimikan at tulog noon ang bata. Nagma-manage ng restaurant ang mag-asawa sa lugar at iniwan na muna ang bata sa sasakyan.

Dumating daw ang guard at sinabing gising na ang bata kaya agad itong pinuntahan ng asawa niya. Dinala ang bata sa restaurant ngunit inantok ulit ito matapos ang ilang oras.

"So nung time na 'yun, nakaupo kami doon, nagkukwentuhan kami ni mam, siguro mga five minutes maya-maya dumating 'yung guard. Sabi niya gising 'yung bata," aniya.

Bago mag-alas kuwatro raw nang dinala ulit sa sasakyan ang bata para makatulog. Iniwan daw muna ito ng nanay dahil kakain ito saglit. Siniguro rin nila na may awang sa bintana ng SUV.

Sa ikalawang beses ay dumating ang guard at sinabing gising daw ang bata at umiiyak. Mayroon din daw isang lalaki na nagwawala sa gilid ng SUV.

Itinanggi rin ng ama ng bata na ilang oras na naiwan ang bata sa loob ng sasakyan gaya ng nakasaad sa viral na Facebook post.

"Maya-maya 'andyan na naman 'yung guwardya. Sabi nung guwardya gising daw 'yung bata tapos may nagwawala na raw dun. Napi-picturan daw 'yung bata kasi nga matagal na raw dun pero sandaling-sandali lang 'yun," anang ama ng bata. —KBK, GMA News