Arestado ang isang babaeng pusher umano at kaniyang parokyano na bumiyahe pa sa kaniyang bahay mula Q.C. para lang bumatak, nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya sa Makati City.

Tatlo pang katao na pinagbabagsakan daw ng droga ng mga suspek, huli rin.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa 24 Oras, sinabing madaling araw nitong Huwebes nang ituro ng isang asset ang bahay ng suspek na si Rizalyn dela Cruz sa Barangay Rizal.

Um-order ang pulis na tumayong buyer ng drogang mahigit P50,000 ang halaga.

Humanda ang mga back-up na pulis pagpasok sa makipot at madilim na eskinita. Pagkasenyas, tinakbo na nila ito, at pinasok ang bahay ni dela Cruz.

Naaktuhan ang target na si dela Cruz habang karga pa ang anak.

Arestado rin ang kaniyang parokyano na si Jester Ralph Oliver na nagmula pa sa Barangay Holy Spirit, Quezon City para lang umi-score ng droga kay dela Cruz.

"Si Oliver kasi courier ng malaking tulak sa Novaliches pero taga-Holy Spirit at siya 'yung pinagkakatiwalaan naman ni Rizalyn na kinukunan ng droga sa Makati," sabi ni Police Senior Inspector Dennis Francisco, SDEU/intelligence branch chief ng QCPD Station 4.

Nakuha ang nabiling 25 gramo ng shabu. Ngunit nang maghalughog pa ang mga pulis, nakita pa nila ang 25 grams na itinago sa labada.

Aabot mahigit P300,000 ang halaga ng mga shabu.

Hindi na tumanggi ang mga suspe sa estasyon ng pulis sa Novaliches.

"Mayroon lang po nagpabenta sa akin sabi tulong lang daw po niya," sabi ni dela Cruz.

"Pumunta lang po ako sa kaniya para umi-score lang po," sabi ni Oliver. suspek.

Bago ito, arestado rin ang itinuturong bagsakan ng droga nina Oliver at dela Cruz sa Barangay San Bartolome.

Kinilala ang mga suspek na sina Maricel Lauryo alyas "Acel," ang player daw niyang si Mildred Jimena, alyas "Nunoy," at Ronie Fernando alyas "Apple" na naaktuhang gumagamit sa loob ng apartment unit.

Na-recover sa mga suspek ang mahigit P30,000 halaga ng shabu, pati ang buy-bust money at mga shabu paraphernalia.

Kabilang umano si Lauryo sa drug watchlist ng pulisya.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek, na mga nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Jamil Santos/NB, GMA News