Hindi na naaresto ng buhay ang isang hinihinalang carnapper sa Malolos, Bulacan, nang siya'y napatay sa isang engkwentro laban sa mga pulis, ayon sa ulat ni Victoria Tulad nitong Lunes sa Unang Balita.

Nabaril si Wagner Lopez ng mga pulis sa isang dragnet operation ng Malolos Police matapos ipaalam sa kanila ng Calumpit Police ang umano'y krimen nito.

Natunton ng pulis si Lopez at ang kasama nitong nagnakaw din daw ng sasakyan habang papalapit sa isang stoplight sa Barangay Longos, Malolos, at nabaril ang mga gulong nito.

Tumakbo ang dalawa nang maipit sa trapik ang sasakyan nila at sumabit sa jeep. Sa jeep na ito nabaril si Lopez at namatay, habang nakatakas ang kanyang kasabwat.

Positibong kinilala ang suspek ni Nelson Manansala, na umano'y ninakawan ni Lopez ng sasakyan habang hihintay ang kanyang anak sa Barangay Sulipan sa Apalit, Pampanga.

"Ito, ito, ito, tumutok kaagad ng baril sa akin. Sabi sa 'kin, kung ayaw mong mamatay bigay mo na 'tong sasakyan mo," sabi ni Manansala, na nilapitan daw ni Lopez at isa pang suspek.

Sinuntok si Manansala nang manlaban ito at tinutukan ng baril bago ito lumabas ng kotse.

Nasubaybayan niya ang mga suspek sa tulong ng kanyang anak, na siyang sumaklolo sa ama, habang ang isa pa nitong anak ay dumulog sa pulisya sa Calumpit, Bulacan.

Dahil sa pagu-update ng mag-ama, natunton ng pulis ang mga suspek sa Malolos.

"Ayun dun sa nag-report, forward heading sa Malolos," kuwento ni Sr. Insp. Manuel Clemente, Calumpit Deputy Chief of Police for Administration.

Nakuha kay Lopez ang .32 na baril at ilang sachet ng hinihinalang shabu. —Rie Takumi/KBK, GMA News