Ilang gramo ng shabu na may halong oxalic acid ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang hinihinalang drug den sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City noong Hulyo 10.

Ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa 24 Oras nitong Lunes, natimbog ng mga awtoridad ang mga main target ng kanilang operasyon. Nakuha ng PDEA mula sa kanila ang halos 70 na gramo ng shabu at 20 gramo ng oxalic acid na nasa loob ng sachet.

"Ating napagalaman, based on forensic examination, may oxalic acid. Oxalic acid is also crystaline in form, physically resembling shabu at ginagamit itong pamparami sa maliliit na sachet na kanilang binebenta," sabi ni Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA.

"Ngayon lang tayo nakakumpiska ng mga sachet ng shabu na hinaluan na nga nitong ingredient. Walang pinagiba ito sa iba pang bagay na maaari nilang ihalo katulad ng crystal candies, maaari ring tawas, maaari din 'yung pampabango ng banyo na crystaline ang form. Kung minsan meron pa ngang napaulat dati 'yung galing sa nadurog na bombilya," dagdag ni Carreon.

Ayon sa ulat, bleaching at cleaning agent ang isa sa mga pangkaraniwang gamit ng oxalic acid. Ginagamit daw itong pangalis ng mantsa at kalawang.

Paliwanag ng isang clinical toxicologist, delikado sa katawan ng isang tao ang mataas na bilang ng nasabing kemikal.

"Isa sa mga sintomas niyan is 'yung medyo hirap sa paghinga, masakit ang lalamunan. Sa iba, extreme cases siguro pwede kang magkaroon ng pneumonitis or pagtutubig ng baga. Pwede kang magform ng oxalate crystals, magclog 'yung tubes ng kidneys. It can also cause kidney damage," sabi ni Dr. Wency Kiat.

Noong April 2015, naiulat na dalawa ang namatay matapos makainom ng milk tea na may halong oxalic acid sa isang tindahan sa Sampaloc, Manila.

Ayon sa mga awtoridad, ang 10 micrograms per milliliter daw na dami ng oxalic acid ay maituturing nang mapinsala sa katawan at ang 40 milligrams nito ay pwede nang makapatay ng tao.

"It's an acid so kung ito ay ini-inhale nila, it can damage 'yung daanan ng ilong natin, nostrils sa loob," sabi ni Kiat.

Samantala, nagpaalala naman ang PDEA laban sa shabu at sa iba pang uri ng kemikal na nakakalason.

"Nagbibigay babala tayo sa publiko na 'yung shabu na nga lang ay lason," sabi ni Carreon. —NB, GMA News