Nagsisimula pa lang matutong maglakad noong 2016 si Thirdy nang una siyang mapanood ng mga Kapuso at makita ang kaawa-awa niyang kalagayan dahil sa malaki niyang bukol sa leeg. Dalawang taon ang nakalipas, isang masayahing Thirdy na ang makikita ngayon.

Sa panayam ng GMA News noong 2016 sa ama ni Thirday na si Cesar Albino Jr., hindi niya naitago ang lungkot sa kalagayan ng anak habang gumagabay sa paglalakad.

"Bilang tatay, masakit po sa akin na makitang gano'n na may bukol [siya sa leeg na malaki," saad ng ama.

Ayon sa doktor, ang malaking bukol sa leeg ni Thirdy ay isang congenital malformation na kung tawagin ay cystic hygroma.

"Ang cystic hygroma ay isang bukol ang laman usually tubig. Hindi naman siya cancerous.Wwala talaga siyang exact explanation cause," paliwanag ni Dr. Giancarlo Espineda, pediatric surgeon, PCMC.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ilang beses naantala ang operasyon kay Thirdy dahil madalas siyang magkasakit.

Pero nitong nakaraang buwan, naisagawa na ang operasyon at natanggal na ang bukol sa kaniyang leeg na halos dalawang kilo umano ang bigat na nagpapahirap sa bata.

Ngayon, maayos nang nakapaglalakad si Thirdy at masaya nang nakakapaglaro.  At sa susunod na taon, plano na ng kaniyang mga magulang na ipasok siya sa day care.

Labis ang kasiyahan ng mga magulang ni Thirdy na makitang masaya at masigla ang kanilang anak.

Nagpapasalamat din sila ng labis sa lahat ng taong tumulong para maipaopera ang kanilang anak. --FRJ, GMA News