Arestado ang dalawang lalaki na nanggahasa umano sa kanilang 16-anyos na kaeskwela sa Brgy. Holy Spirit as Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Sa ikinasang entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD), naaresto ang mga suspek na isang 16-anyos at isang 19-anyos.

Kwento ng tiyahin ng biktima, Sabado ng gabi nang nag-inuman ang magkakaeskwela sa isang bar sa Lagro matapos ang kanilang klase.

Pero noong nagyayaya nang pauwi ang lasing na biktima ay isinakay siya umano sa sasakyan ng mga suspek at dinala sa isang bahay, kung saan siya pinagsamantalahan ng dalawang suspek.

Inihatid pa ng isa sa mga suspek ang biktima hanggang sa sakayan ng tricycle.

Nalaman na lang ang insidente nang magsumbong ang biktima sa kanyang pinsan nitong Linggo ng gabi.

May kiss mark pa raw ang biktima sa kanyang leeg.

Depensa ng 16-anyos na suspek: “Hindi ko po alam na ganun po nangyari kasi po lasing na lasing na rin po ako noon.”

Iginiit naman ng isa pang suspek na nadamay lang siya.

“Hindi naman po namin balak yun or nangyari pong ganun kasi nagkainuman lang po sila nadamay lang po ako sa akin lang po yung pwesto,” sabi ng 19-anyos na suspek.

Napaiyak na lang ang nanay ng biktima nang malaman ang sinapit ng anak.

“Masakit sa akin kasi inaalagaan ko yang anak ko. Halos palagi ko siyang pinagsasabihan na mag-aral ka ng mabuti. Gusto ko lang talaga makulong sila kasi sinira nila ang kinabukasan ng anak ko,” ani ng nanay ng biktima.

Nagpaalala naman ang mga otoridad sa mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak para maiwasan ang ganitong insidente.

“Dapat siguro yung guidance ng magulang sa mga estudyante kasi nag-aaral pa itong mga ito na pagsabihan nila ang mga anak nila na huwag masyadong makikipagkita [at] makikipag-inuman at their age kasi menor de edad pa sila,” ani Chief Inspector Sandie Caparroso, deputy station commander ng QCPD Station 6.

Desidido ang mga kaanak ng biktima na magsampa ng reklamong rape laban sa mga suspek.

Ang menor de edad namang suspek ay itu-turnover sa Department of Social Welfare and Development. —KBK, GMA News