Sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade nitong Martes na maaari pa ring magamit sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) ang kontrobersiyal na mga bagon na binili mula sa Chinese firm na CRRC Dalian Co. Ltd.

Dalawang taon nang nakatengga ang 48 bagon ng Dalian dahil sa ilang isyu "compatibility" at hindi umano akma ang bigat nito sa kapasidad ng riles ng MRT3.

Ayon kay Tugade, lumabas sa pagsusuri na ginawa ng TUV Rheinland ng Germany na maaari pa ring gamitin ang mga bagon ng Dalian nang hindi malalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga pasahero.

Dagdag ng kalihim, maaaring may gawin na pagbabago sa mga bagon na naayon sa rekomendasyon.

"Ang sabi ng audit, may kakulangan at meron dapat isingit in relation to the terms of reference," sabi ni Tugade. "Ang sabi po ng Dalian pupunuan ang kakulangan, reremedyohan ang kailangan remedyohan.  Yung spare parts na kailangan ay dadalhin at no cost to government."

Kabilang sa reremedyohan ang bigat umano ng mga bagon.

"The best case scenario magagamit ang Dalian kasi it will not compromise safety and security," saad niya.

Sinabi naman ni Transportation Undersecretary for Rails Timothy John Batan na target nilang makakuha ng kasunduan sa CRRC Dalian kung maaaring magamit na ang bagon sa Agosto 20.

"Ang target na matapos at magkasundo ukol sa bagay na 'yan ay August 20 dahil may government to government high level bilateral meeting with China," ani Batan.

Ayon sa DOTr, dapat  na 46.4 tons lang ang bigat ng bawat bagon alinsunod sa nakasaad sa kasunduan nang bilhin ang mga ito. Pero nang dumating, umabot umano sa 49.7 tons ang bigat ng bawat isa.

Sinabi ni Tugade na kakailanganin nila ang dagdag na bagon sa Agosto sa pagpasok ng Sumitomo para sa maintenance and rehabilitation ng iba pang mga bagon.

Mula sa 15 hanggang 16 na bagon na bumibiyahe bawat araw, mababawasan ito sa 12 kapag sinimulan ng Sumitomo ang pagkumpuni.—FRJ, GMA News