Patay ang isang lalaki sa Caloocan City na basta na lamang pinagbabaril matapos siyang mag-abot ng isang bagay sa mga suspek.

Ang kaniyang motorsiklo, tinangay pa ng mga salarin sa kanilang pag-alis.

Sa ulat ni Bam Alegre sa "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente bago maghatinggabi noong Miyerkoles, kung saan makikita sa CCTV ang pagdating ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa Barangay 149.

Naghintay sila ng ilang saglit, hanggang sa dumating ang biktima sakay ng kaniyang motor.

Pagbaba niya, mayroon siyang iniabot sa angkas ng naunang motorsiklo.

Ngunit matapos nito, basta na lamang siya pinagbabaril ng angkas.

Tumakas ang suspek gamit ang motorsiklo ng biktima, habang sinundan ito ng kaniyang kasama.

"Nakarinig kami ng sunod-sunod na pagputok. Ang ginawa ko naman, nagpunta ako sa lugar ng CCTV. Nakita namin maraming tao. Pagpunta nila roon, 'yun nga 'yung tao, nakabulagta na roon," pahayag ni Ricardo Surban, barangay tanod ng Barangay 149.

Dead on the spot ang biktima na walang pagkakakilanlan, maliban sa mga personal niyang gamit. Wala ring nakuhang droga o baril mula sa kaniyang katawan.

"Hindi siya taga-rito eh, hindi siya kilala rito. Apparently parang magkakilala sila doon sa suspek," pahayag ni Senior Superintendent Restituto Arcangel ng Caloocan Police.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente, pati ang tumawag sa cellphone ng biktima na nagpakilalang kaanak umano niya. —Jamil Santos/LBG, GMA News