Isa ang namatay at anim naman ang sugatan matapos magkarambola ang 11 na sasakyan sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) nitong Huwebes.

Ayon sa ulat sa Balita Pilipinas, nangyari ang insidente sa may bahagi ng Valenzuela, NLEX pasado alas-onse kaninang umaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bigla umanong tinumbok ng isang 10-wheeler na truck ang sinusundan nitong kotse hanggang sa nadamay na rin ang iba pang sasakyan.

Sabi ng driver ng truck, nawalan raw ng preno ang kanyang sasakyan.

Ayon sa ulat, inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Nagdulot naman ng mabigat na trapiko sa NLEX ang nasabing aksidente. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News