Sinuspinde ng FIBA ang 10 manlalaro at dalawang coach ng Gilas Pilipinas dahil sa nangyaring pakikipagrambulan nila sa mga manlalaro ng Australia sa World Cup qualifying match na ginanap noong Hulyo 2.

Sa inilabas na desisyon ng FIBA Disciplinary Panel, pinagmumulta rin ang parehong koponan ng Pilipinas at Australian.

Ang mga manlalaro na sinuspindi at 'di muna makapaglalaro sa FIBA Basketball World Cup 2019 Qualifiers dahil sa "unsportsmanlike behavior" ay sina:

-Calvin Abueva (6 laro, dahil din sa naunang unsportsmanlike behavior sa FIBA competition)
- Roger Pogoy, Carl Cruz at Jio Jalalon (tig-5 laro)
- Terence Romeo, Jayson Castro William, Andray Blatche at Jeth Rosario (tig-3 laro)
-Japeth Aguilar at Matthew Wright (tig-1 laro)

Walang ibinigay na parusa kay Gabe Norwood.

Suspendido rin si Assistant Coach Joseph Uichico ng tatlong laro, at isang larong suspindido naman si Head Coach Vincent ‘Chot’ Reyes.

Inatasan din si Reyes na magbayad ng disciplinary fine ng CHF 250,000 (halos P13,386,776.05) dahil sa pag-udyok umano ng unsportsmanlike behavior.

Sinuspinde rin ng FIBA ang mga officiating crew ng laro.

Sinuspindi naman sa panig ng koponan ng Australia ang mga manlalaro nilang sina:
- Daniel Kickert (5 laro)
- Thon Maker (3 laro)
- Chris Goulding (1 laro)

Walang parusang ibinigay kina Nathan Sobey at Jason Cadee.

Matatandaang nauwi sa magulong rambulan ang laro ng Australia at Pilipinas sa Philippine Arena.

Nagsimulang magkainitan sa third quarter ng laro nang sikuhin umano ni Pogoy si Boomers wingman Chris Goulding habang nasa drive.

Gumanti ng sariling siko si Daniel Kickert kay Pogoy, at sinuntok naman umano ni Jayson Castro si Kickert.

Dahil dito, nagkapisikalan na ang parehong panig.

Nanalo ang Australia laban sa Pilipinas, 89-53. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News